Monday, July 25, 2011

Marian Rivera at iba pang cast member ng Amaya, nagpasalamat sa mga Batangueño

Sa pangunguna ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera, nagpasalamat ng mga bituin ng epicseryeng Amaya, sa mainit na pagtanggap ng mga Batangeño sa kanilang "Road Tour."

Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes, iniulat ni showbiz reporter Cata Tibayan ang mainit na pagtanggap ng mga Batangeño na nagtungo sa SM Mall sa Lipa City, at sa "Meet and Greet" event sa Batangas City.

Bukod kay Marian, kasama sa road tour ng Amaya sina Pancho Magno, AJ Dee, Dion Ignacio, Roxanne Barcelo, Glaiza de Castro, Rochelle Pangilinan, Mikael Daez, at Sid Lucero.

Naghandog ng awitin sina AJ, Roxanne at Marian, habang nakipagsayawan naman sa fan si Rochelle.

“Umaapaw sa kaligayahan ang puso ko sa pagtanggap nila sa amin dito," ayon kay Marian.

Sa Sabado, magtutungo naman ang Amaya Road tour sa Laguna. - FRJImenez, GMA News