Tuesday, September 27, 2011

Marian at Rhian, kusang nagkabati; Lorna, kontrabida sa ‘Panday 2’

Gorgy Rula

Dinagsa na naman ang birthday party ni Sen.
Bong Revilla kamakalawa sa Diamond Hotel.
Karamihan ay mga malalapit na kaibigan sa pulitika ang dumalo at ilan ding kaibigan sa showbiz.
Inaasahan naming darating doon ang co-stars ni Sen. Bong sa Panday 2, pero hanggang sa nakaalis kami ay wala pa sila.

Proud si Sen. Bong sa pagkuwento sa amin na maraming magagandang bagay ang nangyari sa set ng Panday 2, at isa na rito ay ang pagbabati nina Marian Rivera at Rhian Ramos.

Wala namang away ang dalawa, pero nagkaroon ng dedmahan magmula nang magsama sina Dingdong Dantes at Rhian sa Stairway to Heaven.

Ngayon ay okay na raw sila lalo na’t muling magsasama sina Dingdong at Rhian.

Kuwento ni Sen. Bong, “Ang maganda rito, kusa silang nagkabati. Hindi ‘yung napilitan lang sa amin.

“Kinausap ko nu’n si Marian. Sabi niya sa akin, siya na ang bahala, at nagkausap nga sila. Mabuting huwag na raw silang pilitin at siguro right timing lang na dapat magkabati na sila.”

Ipinakita sa party ang iba’t ibang version ng teaser ng Panday 2 at kitang-kita na ginastusan ito nang husto.

Bongga ang special effects lalo na ang drama ng dragon na si Bagwis.

Maraming surprises ang pelikulang ito lalo na ang special guests na pumayag na maging bahagi ng malaking pelikulang ito.

Ayaw pa sanang ikuwento ni Sen. Bong, pero napilitan na rin siyang nag-agree sa amin nang tinanong naming puma*yag si Lorna Tolentino na mag-guest sa naturang pelikula.

“Isa pa sana sa mga sorpresa ng pelikula pero inunahan n’yo na ako. Hindi nga ako makapaniwalang pumayag siya at wala pang bayad.

“Hindi ako makapaniwalang, pumayag siyang mag-guest at napakalaki ng role niya sa pelikulang ito kaya parang hindi lang guesting iyun,” masayang kuwento ni Sen. Bong sa amin.

Nang tinanong namin si LT, tinupad daw niya ang pangako niya kay Sen. Bong na magge-guest siya sa pelikulang iyun dahil nabanggit na niya noon.

Hindi siya nagpabayad dahil na rin sa magandang samahan nilang magkakaibigan at baka magalit pa raw sa kanya si Kuya Rudy kung maningil pa siya ng talent fee.

Napaka-pivotal ng role ni LT sa pelikulang ito at pumayag maging kontrabida na mukhang tatawid pa sa kuwento ng part three kung sakali.

Isa lang daw ang hiniling ni Lorna kay Sen. Bong na sana, ipasemento raw ang kalye nito pa*punta sa kanyang farm.

Matagal naman daw na project iyun ni Sen. Bong na nagkataong malapit pala ito sa farm ni Lorna sa Cavite .

Matindi rin ang special participation sa Panday 2 nina Lucy Torres, Alice Dixson at Eddie Garcia.