Todo ang kasiyahan ni Marian Rivera dahil natupad ang hiling niyang ma-extend ang pinagbibidahan niyang epic-serye sa GMA-7, ang Amaya.
Nagsimula noong May 30, 2011, nakatakdang magtapos ang Amaya sa January 13, 2012.
Bilang pasasalamat ng namamahala sa programa, nagkaroon ng thanksgiving mass and dinner last Thursday, October 13, sa 17th floor ng GMA Network Center.
Dinaluhan ito ng Primetime Queen ng istasyon at iba pang cast ng Amaya, pati na ang director nitong si Mac Alejander, mga staff at crew.
Ayon kay Marian, "Masaya ako dahil nung una, hanggang October lang kami.
"Tapos, biglang in-announce sa amin na, 'Hoy, na-extend daw tayo ng another two weeks... November.'
"Tapos, biglang ilang weeks na naman, nag-announce na naman si Miss Cheryl [Ching, program manager] na, 'Final na ito. Hanggang January tayo.'
"So, lahat ng tao masaya, lalo na't magki-Christmas na.
"Kaya happy lahat! Todo hanggang Christmas! Hahaha!"
BAGONG BANWA. Pero marami pa raw dapat abangan sa Amaya, ayon pa rin kay Marian.
"Lumipat na kasi ako ng ibang banwa [komunidad], kina Aljur [Abrenica] at Yasmien [Kurdi]. Sa mga Manobo.
"Kasi yung pangkat nila Aljur, sila ang mga mandirigma na sobrang huhusay.
"So, dito ako na-train para humusay bilang patungo na ito sa pagiging warrior ko."
Lalabas na talaga ang pagiging matapang niya sa epic-serye?
"Rarrrr! Ganoon!" natatawang tugon naman ng aktres.
Kumusta naman ang mga eksena nila ni Yasmien na mang-aapi sa kanya sa epic-serye?
"Babaylan siya. Parehas kaming manggagamot.
"So, parang siya lang yung babae na ganoon, biglang papasok ang isang Amaya at manggagamot din.
"So, medyo may conflict kaming dalawa. Nagri-reach naman ako sa kanya dito," lahad ni Marian.
ENJOYING HER ROLE. Gaano niya ini-enjoy ang role niya bilang Amaya kahit mahirap ang paggawa nito?
"Sabi ko nga, sobrang ini-enjoy ko," sambit niya.
"Sigurado ako na kapag natapos na ang Amaya, iiyak talaga ako!
"Kasi, ang maganda sa Amaya, ngayon lang ako nagkaroon ng ganito karaming cast.
'Tapos sa bawat cast na 'yon, sobrang ano kami... close na close kaming lahat.
"Kahit kila Kuya Gardo [Versoza, as Rajah Mangubat] na nung namatay, lahat kami, 'Hayyyy!'
"Namatay si Tito Roy [Alvarez, as Awi], lahat, 'Hayyyy!'
"Parang... Hangang ngayon, nagti-text kami ni Tito Roy, 'Na-miss na kita!'
"So, nakaka-miss!"
NO ROOM FOR OTHER SHOWS. Dahil sa extension ng Amaya, ang intriga ay hindi raw makapasok ang ibang bagong programa ng Kapuso network.
Ano ang masasabi ni Marian dito?
"Hindi nga makapasok sina Dong [Dingdong Dantes, her boyfriend]. Pagbigyan naman natin sila!" natawang muli si Marian.
May sisimulan kasing primetime soap si Dingdong, pero malamang ay next year na ito maipalabas dahil hindi pa nga tapos ang Amaya, pati na ang Munting Heredera na ilang beses na ring na-extend.
Biro namin kay Marian, ang ibig sabihin lang ay paborito talaga siya ng GMA-7 dahil pa-extend nang pa-extend ang show niya.
"Hindi naman siguro," sambit naman ng itinuturing na Primetime Queen ng GMA-7.
"Nagkataon lang na maganda lang ang gawa nila. At napakahuhusay ng mga kasama kong artista rito, di ba?
"Walang kaduda-duda na ie-extend talaga nila 'yan."
Sundot naman namin, hindi tuloy makapasok sa primetime ang ibang artista dahil sa kanya.
"Sinoooo? Wala akong alam diyan, huh! Sino?" bulalas naman ni Marian.